Pag-Asa Poem by John Paul Ang

Pag-Asa

Rating: 5.0

Ako pa rin ay patuloy na umaasa,
Na sana ikaw ay aking makita.
Kahit na ilang saglit lang ang abutin,
Nais kong ako'y iyong mapansin.

Bawat minuto'y ikaw ang nasa isip,
Nakikita kahit na sa aking pag-idlip.
Tinitiis buhatin ang bigat ng mundo,
Upang ika'y maisip sa bawat segundo.

Wala nang hihigit pa sa aking pag-asa,
Pag-asa na ika'y aking makasama.
Sa bawat paglipas ng oras,
Simula ng buhay hanggang wakas.

Sana'y iyong maramdaman,
And pag-ibig na naipon sa puso't isipan.
Tanging ang pag-ibig na ito ang bumubuhay,
humihila sa akin mula sa kawalang-malay.

Iligtas mo ako sa aking pagkakalugmok,
mula sa kalungkutang nag-aalok.
Ibalik mo muli ang nawalang kulay,
Itayo mo ako mula sa aking pagkakahimlay.

Bigyan mo ng dahilan ang aking buhay,
upang ito'y muli sa iyo iaalay.
Buksan mo ang mga matang nakapikit,
Ipakita mo ang kagandahang nawaglit.

Hukayin mo ang sayang nabaon sa pagkalimot,
Ibalik ang aking mundo sa kanyang pag-ikot.
Ibigay sa akin ang kasarinlan,
mula sa hagupit ng kalungkutan.

Walang ibang ligaya ang mananaig,
Bukod sa kaya mong ibigay na pag-ibig.
Ikulong mo ako sa iyong pagmamahal,
Langit man ito'y ipagbawal.

Ito ang tangi kong pag-asa.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
John Paul Ang

John Paul Ang

Manila. Philippines
Close
Error Success