Ilang Dekada Na Ba Aming Ina? Poem by Dee Gey

Ilang Dekada Na Ba Aming Ina?

Ilang dekada na nga ba aming ina?
(Huwag kang magbilang at gugulo lang) .
Sa hapis na mukha bakas pa rin ang ganda.
Kasiyahan sa iyong mata, amin pa ring nakikita.

(Unang yugto)

Isinilang mo ang naging una,
Hanggang sa may ilang sumunod pa.
Dahil sa pag-ibig walo ang ibinunga,
Sa Pagmamahalang Frank at Alicia.
Hamon ng buhay iyong sinagupa,
Paghihirap ay di mo alintana.
Supling ay minahal, iyong inaruga,
Pinalaki silang katuwang si ama.

(Pangalawang yugto)

Nagisnan namin ang iyong kabataan,
(Ina, kabataan po at hindi katabaan) .
Nasaksihan namin ang iyong katapangan.
Maraming pagsubok ang iyong dinaanan,
Sa awa ng Diyos nalampasan mo naman.
Sa pagmulat ng kaisipan, Ikaw ang sandigan.
Sa mga problema'y Ikaw ang takbuhan.
Sa aming paghikbi, sa pagpatak ng luha,
Sa halik at yakap mo, kami ay napapayapa.
(May konting sermon pa itong kasama) .

(Pangatlong yugto)

Sa mga nangangalit mong mga ugat,
Sa mga buhok mong nagpipilak.
Sa nanlalambot mong tuhod,
Sa balat mong nangungulubot.
Sa mga nanlalabo mong paningin,
Minsa'y nagiging malilimutin.
Madalas ka mang nagsusungit,
Pinangingiti ka pa rin naming pilit.
Sa lahat ng iyan at marami pang dahilan,
Pagmamahal sa iyo, ‘di nababawasan.
Hindi man tayo madalas nagkakasama.
Ikaw ay nasa puso, laging inaalala.


Ngayon…
Ilang dekada na nga ba aming ina?
(Huwag nang magbilang at gugulo lang) .
Walang hanggang pagpugay at pasasalamat
Para sa ina naming walang katulad.

Saturday, October 10, 2020
Topic(s) of this poem: mother
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success