Ayokong tawagin ang sarili ko na manunulat. Pag sinabi mo kasi sa mga tao na 'writer' ka, kadalasan makakatikim ka ng mga tingin at panlalaki ng mata na para bagang sinabi mong kumakain ka ng bala. Akala nila kakaiba ka. Weird. Masyadong matalino o kaya sobrang yaman. Tapos susundan pa yon ng tanong kung saan ka sumusulat, na pag sinagot mo ng pangalan ng dyaryong di kilala o magazine na kakaiba ang pamagat, e ikakakunot ng noo nila at ikakatapos ng maikling kumustahan.
Hindi naman ako mahilig magsulat. Mahilig lang siguro talaga ako magkwento, mula pa pagkabata. Natatandaan ko pa kung paano ko ikinuwento sa mga pinsan ko dati sa probinsya ang original na series ng The Avengers. Lahat kami nakahiga sa kahoy na sahig, kanya-kanyang puwesto. Wala pang kuryente sa probinsya namin noon kaya pinagtiyagan nila akong gawing TV. Dilat na dilat ang mga mata nila, at panay ang tanong sa akin na akala mo e nakapag-time travel sa future dahil nakakapanood ng TV sa Maynila. Kaya talagang kinukumpleto ko ang kwento ko, kasama pati mga commercials at side comments ng mga kapatid kong biktima rin ng TV. Nasa kindergarten pa lang ako noon.
Pagtapak ng elementary, nalibang naman ako sa mga tau-tauhan. 'Yung 1 gallon na lalagyan ng peanut butter ang pinupuno ko dati ng mga sari-saring tao, hayop, at robot; lahat ginagawan ko ng kwento base sa mga cartoon ng Saturday Fun Machine sa channel 9. Pag kailangan ko ng mga 'kalaban, ' kumukuha lang ako sa mga display naming figurines. Kahit ceramic na pusa o kahoy na elepante, okay lang. Walang hindi pwede. Pati ash tray at mga bote ng softdrinks (may sari-sari store kami) isinasali ko sa laro. Pag masyadong malalaki ang mga nadadampot kong props, itinuturing kong higante. Pag masyadong maliliit, dwende.
Hindi naging mahirap sa akin ang pagsusulat ng kwento noon dahil maya-maya naman ito ipinapagawa sa eskwelahan pag tinatamad magturo ang teacher: 'Class, isulat n'yo kung ano ang ginawa n'yo noong nagdaang bakasyon.'; 'Class, isulat n'yo kung anong mga regalo ang natanggap n'yo nung Pasko.'; 'class, isulat n'yo ang tungkol sa paborito n'yong alagang hayop.'; 'Class, isulat n'yo kung anong hayop ang nagbakasyon noong Pasko...' Sa ganitong paraan ako nasanay magkwento sa papel, na nauwi sa pagpapadala ko ng maikling kwento para sa programang Batibot noon, na hindi ko alam kung ipinadala nga ng kapatid ko dahil masyadong mababoy ang pagkakagamit ko noon sa makinilya.
...
Read full text