Malawak at malalim ang pang-unawa
Ang pangit ay kaniyang napapaganda
Nakapagsasalita kahit wala s’yang
Sinasambit na mga taludtod o kataga...
Dilim ang kan’yang nakikita 'pag araw
Subali’t nasisilaw siya 'pag gabi
Mga mata’y nakakakita ng mga bagay
Na siya lang ang makapaglalarawan...
Taglay n’ya ang ekstrang pares ng tainga
Nakaririnig ng kakaibang himig
May ekstra s’yang ilong na nakalalanghap
Ng ibang baho, bango’t lansa ng buhay...
Matamis mangusap ang kaniyang puso
Saya’y hatid sa damdaming may siphayo
Simbolo’y gamit n’ya, imahi’t kataga
Napasasaya ang matamlay na diwa…
Gamit ang papel at ang kan’yang panulat
Hahagkan n’ya ang buwan at mga bituin
Na kumikinang sa kalawakan
At nagsasaboy ng liwanag sa kadiliman...
Nguni’t mga nalikha’y walang kahulugan
Kung lahat ay tiniklop at ibinaon
Ang ipinunlang kaisipan sa tao’y
Mabubura, pati ligaya ng kahapon...
S’yang Makatang pinagpala ni Bathala
Nagtatago sa likod ng kan’yang pluma
Ang bisyo’y paglaruan ang mga salita
Upang damdami'y ipaabot sa kapuwa!
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem